Ang Aking Paglayag sa Mundo ng Sining sa Kabila ng Kakaibang Kalagayan ng Aking Kaisipan

This article is available in English here. 

Sa kabila ng ilang mga kapansanan sa pag-iisip na tinataglay ko at kasalukuyang nag-gagamot para sa mga ito, masasabi kong hindi talaga ako pala-halubilo sa tao. Mas madalas na gusto kong mapag-isa. Kahit na ganito, hindi ko ito kinakahiya o pinagsisisihan. Pero inaamin ko, na kapag dumadating ang mga pagkakataong hindi ako sobrang “ok”, di ko maiwasang maging hunyango—ang makibagay, magpanggap na kagaya ako ng iba kahit hindi naman para walang wirdong enerhiya na magmula sa akin para ika-ilang ng iba, o ang malala, kainisan pa.

Dahil mag-isang anak lang ako, lumaki akong sagana sa mga oras na puro sa akin lang, ako lang. Kasama ang sarili, gumagawa ng sining, tula, musika, at kung ano-anong pinagsususulat sa tuwing may masidhi akong emosyon na nararamdaman. Tinatago ko lamang sa sarili ko ang mga ginuguhit o sinusulat ko, hindi ko ibinabahagi, dahil di ko makita anong katuturan na ibahagi ko sa iba ang mga pira-pirasong bahagi ng pagkatao ko—“Sino ba naman ako?”, laging tanong ng isip ko. Ginagawa ko ang mga bagay-bagay na iyon para sa ikakapanatag ng nagugulumihanan kong sarili; ginagawa kong sangktwaryo ang sining ant letra kung saan pwede kong matakbuhan sa oras ng kasiyahan at kalungkutan.

Sa di maipaliwanag na kadahilanan, nagkaron ako ng lakas ng loob na pasukin ang mundo ng pagpipinta noong 2015. Nakakatakot, dahil hindi naman ako bihasa para pasukin ito, naisip ko lang gawin. Ni wala akong pormal na edukasyon para dito at sanay ako na basta na lamang gumuhit sa papel. Pakiramdam ko wala akong karapatan dahil hindi ako armado ng karunungan kung paano ito gawin, at masyado kong maliitin ang sarili ko sa anumang bagay na nais kong gawin. Hindi rin ako magaling sa kulay, mismong buhay ko ay black-and-white. Magpasagayunman, sinubukan ko pa rin. Sinuong ang mundo ng uri ng sining na ito dahil GUSTO KO. Malaya—walang restriksyon o magsasabi sa’kin na mali ang ginagawa ko. Ang di pagsunod sa mga “rules” na yan ang nagbibigay-kasiyahan sa’kin para magpinta. Kadalasan sa mga pinipinta ko ay mga representasyon ng mga emosyon na nararamdaman o iniisip ko. Pagpapahayag ng sarili sa pamamagitan ng kulay at hagod ng brotsa, kaysa sa pagsusulat na mas nakasanayan ko, maiba lang.

Naging bahagi ako ng isang art exhibit, na ang tema ay “Despite my Being ______” (Sa Kabila ng aking Pagiging _________.) na ginanap sa Sining Kamalig nong Marso 2016. Kami ay grupo ng mga manlilikha na nagtataglay ng kundisyon sa pag-iisip, kagaya ng iba na araw-araw nakikibaka para mabuhay. Isinalin namin ang aming mga nararamdaman at pinagdadaanan sa pamamagitan ng sining, at para na rin ipamulat sa madla na hindi biro magkaroon ng kundisyon sa pag-iisip. Ang art exhibit ding ito ay isa sa mga naging daan para makakalap ng suporta para sa petisyon ng Philippine Mental Health Act.

Madalas ako sa gallery sa panahon ng eksibisyon, at sa mga taong bumibisita dito, marami akong natutunan:

  • Mga magulang na ipinapaliwanag sa mga anak nila kapag tinatanong bakit ganito o ganyan ang isang obra. May narinig akong ina na sinabi sa kanyang mga anak na ang mga obra na iyon ay kung ano ang nararamdaman ng nagpinta.
  • Isang accountant na nakakwentuhan ko, pangarap niya daw talagang maging pintor noon pa. Hiniling niya sa mga magulang niya na payagan siyang mag Fine Arts, ngunit sinabi ng mga magulang nya na “Wala namang pera sa art”, kaya Accounting ang pinakuha sa kanya. Magpasahanggang-ngayon, nasa puso pa rin daw niya ang sining, na minsan kahit may pagpupulong sa kumpanya nila, ginuguhit nya kung sino yung nagsasalita.
  • Isang babae na may kaibigan na may anak na sinasaktan ang sarili. Inamin ko sa kanya na ako rin, minsan kapag di na kaya ng isip ko ang mga bagay-bagay, sinasaktan ko din ang sarili ko. Sabi ko sa kanya, minsan napipigilan kong saktan ang sarili ko basta may mapipintahan ako, doon ko binubuhos. Pinasalamatan niya ako at naisip niyang mabanggit din kaya sa kaibigan niya ang ginagawa kong paraan para maiwasang saktan ang sarili, baka makatulong kahit paano magpinta o magsulat.
  • Isang guro sa SPEd, na hirap daw siyang maipalabas kung ano ang nararamdaman ng mga estudyante nyang may mga kapansanan sa karunungan. Lahat na daw ginawa nya, istruktural na pamamaraan ng pag-guhit, mapa-abstract, realismo, lahat na, pero wala pa rin. Tinanong niya ako kung iniisip ko ba daw ang mga pinipinta ko, kung pinagpaplanuhan ko ba. Sabi ko “Hindi, basta may blangkong canvas, kung ano nararamdaman ko sa oras na yon, pinta lang ng pinta.” Naisip niya na baka pwede niya ring subukan iyon sa mga estudyante nya, yung hayaan na lang sila maging malaya ipahayag ang nararamdaman nila sa blangkong papel at di niya pipilitin na magbigay ng mga direksyon kung paano gawin, dahil baka sa ganoong paraan lumabas kung ano talaga ang saloobin nila at nang sa gayon ay mas makilala niya silang mabuti at maibigay ang tulong na akma sa pangangailangan nila.
  • Isang babae na nagsabi sa akin na minsan daw pakiramdam nya nararamdaman nya lahat ng nakikita niya sa mga obra. Masakit, pero kailangan daw niyang magpakatatag.
  • Isang babae na di sigurado ano ba talaga ang exhibit na iyon, tinanong niya sa akin bakit ang lalalim naman ng mga nakasulat sa tabi ng mga obra, tipong may “hugot”. Sabi niya, hindi niya akalain na sa kabila ng mga iniindang kapansanan sa pag-iisip, nakakapinta pa rin kami.
  • Isang lalake na nagulat na mga kagaya pala naming nakikipaglaban sa depresyon, bipolar, anxiety at kung anu-ano pa ang mga lumikha ng obra. Kung di niya daw ako tinanong ano ang mga ito, hindi niya iisiping may kapansanan kami. Buong akala niya, kapag ang tao ay may kundisyon sa pag-iisip, dapat agad itong dalhin sa mental hospital at ikulong doon. Mas naliwanagan daw siya na hindi pala lahat ng may kundisyon sa pag-iisip ay hindi kayang makakilos at makagawa ng mga normal kagaya ng pagpipinta.
  • Isang solong-ina na nurse. May anak siyang lalake na may depresyon at social anxiety. Sa kabila daw ng mga paraan nya para maiparamdam sa anak niya na hindi siya nag-iisa at sa pagbibigay ng mga positibong payo sa kanya, sinasabi pa rin ng anak niya, “Hindi mo naman ako naiintindihan, Ma eh! Hindi mo maiintindihan kasi hindi mo ito pinagdadaanan!” Sabi ko sa kanya, sa totoo lang, minsan sa mga taong nakakaranas ng depresyon, kapag sinasabihan silang “Be positive”, mas nakakasama pa minsan kesa nakakabuti. Ang mas mahalaga ay maiparamdam sa taong iyon na nandyan ka, na naririnig mo ang sinasabi niya at pinapahalagahan mo ang nararamdaman niya kahit hindi mo man ito maunawaan. Nalaman ko din sa kanya na sinasaktan siya ng dati niyang asawa, at dahil doon natutunan niyang maging palaban, na siyang tinuturo niya sa anak niya. Hindi daw maunawaan ng anak niya ang ganoong ugali niya, mas ninenerbiyos pa ang bata pag palaban siya. Sabi niya sa anak niya “Iisang boses ka man, pero malaking bagay na magsalita ka dahil walang magsasalita para sa’yo.” Mahilig din daw mapag-isa ang anak niya, kaya minsan tinanong siya nito kung abnormal ba siya kasi hindi niya talaga hilig makisalamuha sa ibang tao dahil iniisip niya kung anong sasabihin ng mga ito. Sinabi daw niya sa anak niya na “Espesyal ka. Hindi mo naman kailangang pilitin ang sarili mong makipag-usap sa iba kung ayaw mo, basta magpakatotoo ka lang. Sa mundong ito, hindi natin maaabot lahat ng ekspektasyon ng iba. Basta nirerespeto mo ang kapwa mo at wala kang tinatapakang ibang tao, iyon ang mahalaga.”

Nasurpresa ako kung paano nagbukas ng kanya-kanyang mga karanasan ang mga tao na bumisita sa exhibit, at masilayan kung paano naiba ang tingin nila sa kalagayang-mental. Naliwanagan ang karamihan na hindi hadlang ang kapansanan sa pag-iisip para magawa ang mga bagay-bagay.

Lahat ng ito ay nagsisimula sa kamalayan, at lahat na ay susunod—kagaya ng pagtanggap, at sana ay ang pagkawala ng stigma sa tingin ng iba ukol sa mental illness. Isa itong hakbang na kaming mga manlilikha sa naturang exhibit ay lumantad at nagsabi na “Despite our being ________”, mababago namin kung ano ang tingin ng lipunan sa kalagayang pang-kaisipan.

Translate »

Connect with us!

Subscribe to our My Support Newsletter and receive messages of hope and management tips through our blogs and webinars, research updates, also learn about upcoming events, and more!

You have Successfully Subscribed!