This article is available in English here.
Ginagawa mo namang malaking bagay yang sakit mo sa utak!
Puro yang sakit mo na lang lagi sinasabi mo. Masyado mong ginagawang glamoroso!
Hindi mo naman kailangan ng gamot eh. Nasa utak mo lang yan!
Maging postibo ka lang, kaya mo naman yan eh.
Nakakasawa nang marinig, oo. Nakakapagod.
Alam ko marami na ang naiinis o napipikon sa kung paano ko ilahad ang mga hindi maipaliwanag na kaganapan sa utak ko kaya madalas hindi ako maintindihan. Nahuhusgahan, nasasabihan ng kung anu-ano. Lalo lang akong tinotopak. Pero kung tutuusin, madali lang naman damhin ang tingin ng ibaisipin ko lang na wala akong bipolar, na wala akong alam ni katiting tungkol dito at ni hindi ko maramdaman na mas nahihirapan ako maki-angkop sa buhay kumpara sa iba, madali lang sabihin yang mga nakakasawang litanya na yan sa mga tunay na nakakaranas nito.
Damnant quod non intelligunt. Yung mga taong wala talagang ideya kung ano ang pakiramdam o iniisip na nalagpasan na nila yun, ganoon na lang kondenahin ang pananaw ng iba tungkol sa bipolar. Madalas kong ibahagi sa iba ang mga karanasan ko at ano ang epekto ng bipolar sa buhay ko sa iba dahil ito ang planetang ginagalawan ko. Umaasa din ako na kahit papaano ay makita ng iba na gaya ng mga kapansanan na nakikita ng mata, ang sakit sa pag-iisip na di nakikita ay tunay na karamdaman din.
Minsan natanong ko sa psychiatrist ko kung paano ba masasabi na ang isang kundisyon ay masasabing kapansanan na? Ang sagot nya, Kapag nakakaapekto na ito sa araw-araw mong pamumuhay, sa puntong nahihirapan ka na sa sarili mo, masasabi nang kapansanan ito. Oo nga naman.
Naiintindihan ko na iba’t-iba ang paraan kung paano maki-angkop ang tao sa buhay. Kung may bipolar ang isang tao, may iba pinipili ang mga natural na paraan gaya ng yoga, pagme-meditate at iba pang kauri nito; yung iba naman mas kumportable sa pag-inom ng gamot na nagsisilbing pananggalang sa sukdulang pag-atake ng epekto ng bipolar at iba pang kundisyon na kaakibat nito; at may iba naman ay pinagsasama ang natural na pamamaraan at ang paggagamot. Sabi nga, kanya-kanya lang yan.
Ang punto ko dito ay respetuhan lang sa kung anong paraan ang napili ng isang may bipolar kung paano nya mahaharap ang mga bagay sa araw-araw, pag-intindi ng iba na ayos lang kung ganoon ang pakiramdam at malaya itong naipapahayag dahil nagdudulot ito ng pakiramdam na kahit paano ay tanggap pala ako, at pagsuporta kaysa pagkikritiko o paghusga.
Lahat tayo iba-iba. Ang sakto lang para sa langgam ay kulang para sa elepante, at ang uubra sa de-makinaryang sasakyan ay di gagana sa karwaheng de-hila.